Community Updates

(Ang sumusunod na artikulo ay inilathala sa daluyan.hobnobz.com noong Agosto 4, 2010)

Ang Internet ba ay para sa wikang Ingles lamang? Ang World Wide Web, para sa nakakaunawa at nakasusulat sa wikang nabanggit? Dahil ba sa Amerikano ang nakaimbento o nagsimula ng internet kaya 80% ng nakasulat dito ay nasa wikang Ingles?

Naitanong ko lang naman. Kasi, sinubukan ko na mag-search ng kahulugan ng mga ilang tagalog na salita nung isang araw at wala akong nakitang sagot. Kung hindi no results ang sinasabi ng Yahoo, ipinagpapalagay nito na ako ay nagkamali ng salitang hinahanap sa pagsasabing: We have included sino ang Pilipino ng totoo.

Ang nakakainis pa, sa tuwing ako ay susubok magsulat sa Filipino gamit ang Word, sandamakmak na pulang guhit ang kakatwang lumalabas sa screen ng computer na parang sinasabi nito, “Mali lahat ang sinusulat mo!”

Siguro nga. Ganunpaman, sa dami ng Filipino na may Facebook account, Twitter page, blogs, at iba pang website, hindi ko matanggap na kakaunti lamang ang naglalakas-loob na makipagtalastasan gamit ng buong-buo ang wika natin. (Kasama ako dun.)

Bibihira sa mga Filipino na may sariling website o gumawa nito na nag-isip ng pamalit sa HOME | ABOUT | CONTACT US, mga karaniwang links na makikita sa mga website.

Puwede kaya ang BAHAY | TUNGKOL | MAKIPAG-UGNAYAN SA AMIN?

(Yung una hindi ko alam kung tama; yung pangalawa medyo masakit sa pandinig; yung pangatlo ay sobrang haba.)

Kaya nga, hindi ko masisi ang karamihan sa atin na gumagamit ng wikang Ingles. Ngayon ko lang din parang nauunawaan kung bakit ang ilan sa ating mga kabataan, imbes na Filipino, jejemon ang natipuhan. Una, kahit ano puwede, basta naiintindihan ng kapwa jejemon. Pag wala namang masabi, puwede na rin ang paulit-ulit na ajeje. Matay ko mang isipin, darating ang araw, 404 error ang lalabas pag ginoogle mo ang salitang Filipino.

“Ok lang yun,” sabi ng ilang eksperto. Ganun daw talaga ang wika. Nagbabago, umuunlad, nage-EVOLVE. Anumang wika raw na hindi dumadaan sa ganitong proseso ay kusa ring namamatay. Pero hindi kaya ganito rin ang kahinatnan ng ating wika – KAMATAYAN dulot ng pagsasawalang-bahala?

Hmmm…ewan. Ikaw, ano sa palagay mo?

(Agosto ngayon. Buwan ng wikang Filipino. Pero hindi ko ito isinulat dahil sa okasyong nabanggit. Kung hindi ka naniniwala, bahala ka. Ang totoo, ang Team LSi at ang Dulaan at Likhaan ay may pa-contest sa pagsulat ng tula sa wikang Filipino. Abangan nyo!)

Leave a Reply


Login